Tuesday, January 18, 2022

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Enero 23, Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon: Lucas 1:1-4; 4:14-21


Mabuting Balita: Lucas 1:1-4; 4:14-21
Marami na ang nagsikap na isalaysay ang mga nangyari sa pi­ling natin, batay sa mga ipinaabot sa atin ng mga nakakita nito noong unang panahon na naging mga lingkod din ng Salita. Kaya minarapat ko ring isulat ang mga ito nang may kaayusan para sa iyo, matapos maingat na ma­suri ang lahat ng ito mula pa sa simula. Kaya ka­galang-galang na Teofilo, ikaw mismo ang makaaalam na matatag ang mga bagay na iyong natutuhan.

14 Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. 15 Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.

• 16 Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, 17 at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.

Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: 18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, 19 at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”

20 Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. 21 Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”

No comments: