1Noong panahong iyon humirang ang
Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna
sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. 2 Sinabi niya
sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin
ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.
3 Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga
asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At
huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
5 Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo:
‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ 6 Kung mapayapang tao ang naroon,
sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong
dasal. 7 At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na
kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag
kayong magpapapalit-palit ng bahay.
8 Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin
ninyo anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon
at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
10 Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa
mga liwasan nito at inyong sabihin: 11 ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan
na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo.
Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ 12 Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.
No comments:
Post a Comment