Saturday, September 25, 2021

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo September 26 Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 9:38-43, 45, 47-48

 



Mabuting Balita: Marcos 9:38-43, 45, 47-48
Noong Panahong iyon sinabi ni Juan kay Jesus: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.” 39 At sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. 40 Ang hindi laban sa atin ay kampi sa atin. 

41 At kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. 42 Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.  

43 Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. 45 At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa.  

47 At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, 48 kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. 

+ + + + + + +

Repleksyon:

May isang kuwento tungkol sa dalawang pastor na gustong kumbinsihin ang mga tao sa kanilang lugar na sumama sa kanilang relihiyon. Sinabi ng unang pastor: Walang ibang makapagdadala palapit sa Diyos sa inyo kundi ako lang. Dahil ang iba na nangangaral tunkol sa Diyos ay hindi totoo kaya huwag kayong makinig sa kanila bagkus ay sa akin lang kayo makinig. 

Sinabi naman ng ikalawang pastor: Maliban sa pakikinig nyo sa akin ay pakingan nyo rin ang iba na nangangaral ng salita ng Diyos. Kaya may  nagtanong sa kanya: Bakit po ba ako makikinig pa sa kanila? At sumagot ang pastor, basta mabuti ang layunin lahat ay may karapatan na magbahagi ng salita ng Diyos.  

Sa atin pong mabuting balita ay may isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus. At ito ay nakita ni Juan kaya pinagbawalan nya ang taong ito. Pero sinalungat si Juan ni Jesus at sinabi nya huwag itong pigilan dahil walang gumagawa ng himala sa kanyang pangalan ang mag sasalita laban sa kanya.  

Sa palagay ba ni Juan ay mas superior na sya kaya pinagbawalan nya ang lalaki na gamitin ang pangalan ni Jesus? Bakit ba si Juan ay nagkaroon ng ganon na pag-iisip? Ito ba ay dahil siya  ay palaging kasama ni Jesus? Pero hindi iyon na gustuhan ni Jesus kaya sinalungat nya sii Juan. At ito ay ginawa ni Jesus para magbigay nang malakas na mensahe sa kanyang mga apostol na wala silang monopolyo sa kanyang pangalan.  

Ayaw ni Jesus na siya ay maging exclusibong pag aari ng kahit na sinong grupo na sa tingin nila ay sila ay malapit sa kanya. Para po kay Jesus siya o ang kanyang pangalan ay para sa lahat. At lahat ay may karapatan na gamitin ang pangalan nya para sa mabuting layunin.  

 Iwasan po natin ang magkaroon tayo ng pag-iisip na tayo ay mataas na o superior na kaysa iba dahil walang magkakagusto na sumama sa atin o sa ating pangkat. Bagkus dapat ay tayo ay palaging mababa ang kalooban dahil sa pamamagitan po lamang nito natin mailalapit ang ating kapwa kay Jesus at sa ating simbahan. – Marino J. Dasmarinas 

No comments: