Wednesday, September 15, 2021

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Linggo September 19 Ika-25 na Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 9:30-37





Mabuting Balita: Marcos 9:30-37
30 Noong panahong iyon si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam 31 sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagka¬patay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. 32 Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. 33 Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” 34 At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una.  

 35 Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” 36 At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: 37 “Ang sinumang tumanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.” 

Repleksyon:

May isang kuwento tungkol sa isang lalaki na nakarinig ng anunsyo sa kanilang simbahan. Na  nangangailagan ng mga volunteer na maging Layko ministro ng banal na kumunyon. Kaya siya ay tumugon at sumailalim sa processo ng paghuhubog.  

Pero sabi nya sa isip nya na itong pagsali nya sa ministring ito ng simbahan ay isang magandang pagkakataon para sa kanya na maging popular at kilala. At sabi pa niya ito ay gagawin nyang tungtungan para pasukin ang politika sa kanilang lugar.  

Sa ating pong mabuting balita, habang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumaraan sa Galilea ay narinig ni Jesus na sila ay may pinagtatalunan. Kaya ng sila ay nasa isang bahay na sa Capernaum sila ay tinanong ni Jesus kung ano ang kanilang pinagtatalunan habang sila ay dumadaan sa Galilea. (Marcos 9:33) Pero walang nakasagot ni isa man sa kanila dahil ang kanilang pinagtatalunan ay kung sino ang una o dakila sa kanila.  

Sino nga po ba ang una o dakila sa pananaw ng Panginoon? Ang dakila para kay Jesus ay yung handang mag silbi. Ang dakila para kay Jesus ay yung mapagpakumbaba yung hindi mayabang at hindi arrogante. Ang dakila at una para kay Jesus ay yung tahimik na gumagawa ng kanyang bokasyon para sa Diyos na walang hinahangad na anumang kapalit.  

Marami po sa atin ang gusto ng kapangyarihan o katanyagan. At ang pakiramdam natin ay dakila na tayo at una na sa lahat. Pero ito po ay balewala para sa Panginoon dahil mas mahalaga para kay Jesus na tayo ay magkaroon ng kababaan ng loob na tulad ng isang bata. Mas mahalaga para kay Jesus na tayo ay palaging handang sumunod sa kanya na walang anumang hinihingi na kapalit. 

Handa ka bang sumunod kay Jesus ng may pagpapakumbaba at walang hinahangad na anumang kapalit?  – Marino J. Dasmarinas 


No comments: