Wednesday, April 07, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Abril 9 Biyernes sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay: Juan 21:1-14

 

Mabuting Balita: Juan 21:1-14
1 Muling ibi­nunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbu­bunyag.   

2 Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa  mga alagad niya. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para ma­ngisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” Lumabas sila at sumakay sa bang­ka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. 

4 Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi naki­lala ng mga alagad na si Jesus iyon. 5 Tina­tawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” 6 Kaya sinabi niya sa kanila: “Iha­gis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at ma­kakatagpo kayo.” Kaya ini­hagis nga nila at hindi na nila maka­yang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. 

7 Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Pangi­noon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. 8 Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kala­yuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. 

9 At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mag­dala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” 11 Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong mala­laking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lam­bat.  

12 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Hali­kayo’t mag-almusal!” Walang maka­pangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Pangi­noon iyon. 13 Lumapit si Jesus at ku­muha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayun­din sa isda. 14 Ito ngayon ang ikatlong pagbu­bunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

No comments: