Wednesday, March 03, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Marso 4 Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma: Lucas 16:19-31


Mabuting Balita: Lucas 16:19-31
Sinabi ni Jesus sa mga pariseo 19 May isang mayaman na naka­bihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyesta ang kanyang buhay sa araw-araw. 20 Na­ka­handusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nag­ngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat 21 at gusto sana niyang ka­inin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang luma­lapit sa kanya at hinihi­muran ang kanyang mga sugat.  

22 At na­matay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Na­matay rin na­man ang maya­man at ini­libing. 23 Nang nasa impiyerno na siya, tumingala siya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abra­ham at si Lazaro sa piling nito. 24 Kaya sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw niya sa tubig ang dulo ng kan­yang daliri para paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghi­hirap sa la­gablab na ito.’  

25 Sumagot si Abraham: ‘Anak, alala­hanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang ma­buti sa iyo at kay Lazaro na­man ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdu­rusa. 26 At isa pa’y malawak na kabundukang di matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito, at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’  

27 Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipina­kiki­usap ko sa iyo, Ama, na pa­puntahin mo si La­zaro sa bahay ng aking ama, 28 kung saan na­roon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdu­rusa.’ 29 Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, makinig sila sa mga ito.’ 30 Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, mag­si­sisi sila.’  

31 Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi   nila paki­kinggan si Moises at ang mga propeta, buma­ngon man ang isa sa   mga patay ay hindi pa rin sila mani­niwala’.”

No comments: