Monday, March 29, 2021

Ang Mabuting Balita para sa Marso 30 Martes Santo: Juan 13:21-33, 36-38


Mabuting Balita: Juan 13:21-33, 36-38
21Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo. 22Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita. 23Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus. 24Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya.  

25Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon? 26Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote. 27At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya.  

Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali. 28Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito. 29Sapagka't iniisip ng ilan, na sapagka't si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha. 30Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na.  

31Nang siya nga'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya: 32At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka'y luluwalhatiin siya niya. 33Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.  

36Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni't pagkatapos ay makasusunod ka. 37Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo. 38Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga'y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.  

No comments: