36 May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. 37 At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. 38 At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo.
39 Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon 40 ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay. 41 Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, 42 ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos.
43 Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. 44 Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad? 45 Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan.
46 Kung pinaniwalaan nga ninyo si
Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat.
47 Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano
n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?
No comments:
Post a Comment