5 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may
kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi:
‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay 6 dahil kararating lang
mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ 7 At
sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na
ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para
bigyan ka.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay
dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat
mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya.
9 Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. 10 Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
11 Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung
isda at hindi ahas ang hinihingi nito? 12 Sino ang magbibigay ng alakdan
kung itlog ang hinihingi? 13 Kaya kung kayo mang masasama’y marunong
magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula
sa langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa
kanya.”
No comments:
Post a Comment