Mabuting
Balita: Lucas 5:1-11
1 Dinagsa
si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman
siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. 2 Nakita niya noon ang dalawang
bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para
hugasan ang mga lambat. 3 Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni
Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya
at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao.
4 Matapos
siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang
inyong mga lambat para humuli.” 5 Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong
magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog
ko ang mga lambat.” 6 At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming
isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. 7 Kaya kinawayan
nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan
sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang
halos lumubog ang mga iyon.
8 Nang
makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi:
“Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.”
9 Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng
mga isda na nakuha nila. 10 Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina
Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi
ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin
mo.” 11 Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang
lahat at sumunod sa kanya.
No comments:
Post a Comment