Mabuting Balita: Mateo 20:17-28
17 Nang umakyat si Jesus sa Jerusalem, isinama niya ang
Labindalawa, at habang nasa daan ay sinabi niya sa kanila: 18 “Papunta na
tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong-pari at mga guro
ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. 19 Kaya ibibigay nila siya
sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit babangon siya
sa ikatlong araw.”
• 20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama
ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. 21 Tinanong
siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong
anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa
sa iyong Kaharian.”
22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong
hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya
namin.” 23 Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis,
ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga
hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.”
24 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. 25 Kaya
tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang
kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. 26 Hindi naman
ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; 27 ang
may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. 28 Gayundin
naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod
at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment