Friday, March 20, 2020

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Marso 22, Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma: Juan 9:1-41


Mabuting Balita: Juan 9:1-41
1 Sa kanyang pagdaan, nakita niya ang isang taong ipina­nganak na bulag. 2 Tinanong siya ng kanyang mga alagad: “Rabbi, sino ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag: siya ba o ang kanyang mga ma­gu­lang?”

3 Sumagot si Jesus: “Hindi dahil nag­kasala ni ang kanyang mga magulang kundi upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kanya. 4 Kailangan nating gawin ang mga gawa ng nagpadala sa akin sa­man­­talang araw pa. Duma­rating ang gabi at wala nang maka­gagawa. 5 Habang nasa mundo ako, liwanag ako ng mundo.”

6 Pagkasabi niya ng mga ito, lumura siya sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at nilagyan ng putik ang mga mata ng tao. 7 At sinabi sa kanya: “Pumunta ka’t at mag­hilamos sa pala­nguyan ng Siloam (na kung isasalin ay sinugo).” Kaya pumunta siya at nag­hilamos at umalis na naka­ka­kita.

8 Kaya sinabi ng kanyang mga kapit-bahay at ng mga dating nakakapansin sa kanyang nagpapalimos: “Di ba’t ito ang nakaupo at namamalimos?” 9 Si­nabi ng ilan: “Ito nga siya!” At sinabi naman ng iba: “Hindi! Kamukha lamang siya.” Ngunit sabi niya: “Ako siya!” 10 Kaya sinabi nila sa kanya: “Paano napadilat ang iyong mga mata?”

11 Sumagot siya: “Gumawa ng putik ang taong tinatawag na Jesus at pina­hiran ang aking mga mata at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam at mag­hilamos.’ Kaya umalis ako at naghi­la­mos at naka­kita ako.” 12 Sinabi nila sa kanya: “Nasaan siya?” Aniya: “Hindi ko alam.”

13 Dinala nila siya sa mga Pariseo, siya na dating bulag. 14 Araw ng Pahi­nga noon nang gumawa ng putik si Jesus at nagpa­dilat sa kanyang mga mata. 15 Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata at naghi­lamos ako at naka­ki­ta.”

16 Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyon dahil hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba: “Paanong magagawa ng taong maka­salanan ang ganitong mga tanda?” At nahati sila. 17 Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, ano’ng masasabi mo tungkol sa kanya pagkat mga mata mo ang pinadilat niya?” At sinabi niya: “Siya ang Propeta!”

18Hindi nga naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at nakakakita na, hang­gang ipatawag nila ang mga ma­gulang ng taong nakakita. 19 At tina­nong nila sila: “Ito ba ang inyong anak na sinasabi n’yong ipinanganak na bulag? Paano’t nakakakita siya ngayon?”

20 Kaya sumagot ang kanyang mga magulang: “Alam naming ito ang aming anak at ipinanganak siyang bulag. 21 Pero hindi namin alam kung paano’t ngayo’y nakakakita siya, at wala kaming kaalam-alam kung sino ang nagpadilat sa kan­yang mga mata. Siya ang tanungin n’yo. May edad na siya at makapangungusap mismo tungkol sa kanyang sarili.”

22Sinabi ito ng kanyang mga magu­lang dahil takot sila sa mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga Judio na itiwa­lag sa sinagoga ang sinumang kikilala sa kanya bilang Kristo. 23 Dahil dito kaya sinabi ng kan­yang magulang: “May edad na siya. Siya ang inyong tanu­ngin.” 24 Kaya makalawa nilang tinawag ang taong dating bulag at sinabi sa kanya: “Umamin ka sa harap ng Diyos. Alam naming makasalanan ang taong ito.”

25 Kaya sumagot siya: “Kung maka­salanan siya, hindi ko alam. Iisa ang alam ko: bulag ako noon at ngayo’y nakaka­kita.” 26 Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano’ng ginawa niya sa iyo? Paano niya pinadilat ang mga mata mo?” 27 Sinagot niya sila: “Sinabi ko na sa inyo at ayaw n’yong makinig. Ano’t gusto n’yo na namang marinig? Hindi kaya gusto n’yo ring maging mga alagad niya?”

28 At nilait nila siya: “Alagad ka niya pero mga alagad kami ni Moises. 29 Alam naming kay Moises nangusap ang Diyos pero hindi namin alam kung saan galing ang taong ito.” 30 Sumagot ang tao sa kanila: “Ito nga ang kataka-taka: hindi n’yo alam kung saan siya galing at pinadilat niya ang aking mga mata. 31 Alam natin na hindi dinidinig ng diyos ang mga maka­salanan pero kung merong maypitagan sa Diyos at ang kalooban niya ang ginagawa, dinidinig niya ito.

32 Kailan­ma’y wala pang narinig na may naka­pagdilat sa mga mata ng isang ipina­nganak na bulag. 33 Kung hindi siya galing sa Diyos, wala siyang anumang magagawa.” 34 Sumagot sila sa kanya: “Tinu­tu­ruan mo ba kami, ikaw na ipina­nganak na tagos ng mga kasalanan?” At ipi­nagta­buyan nila siya palabas.

35 Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan nila siya palabas. At pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Nananalig ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot siya: “Sino po siya upang manalig ako sa kanya?” 37 Sinabi ni Jesus: “Naki­kita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo. (38 Aniya: “Nananalig ako, Pangi­­­noon.” At nagpa­tirapa siya sa kanyang pa­anan. At sinabi ni Jesus:) 39 Sa paghatol ako dumating sa mun­dong ito: makakakita ang mga walang paningin, at magiging bulag ang mga nakakakita.”

40 Narinig ito ng ilang Pariseo na nasa tabi ni Jesus at sinabi nila sa kanya: “E di bulag din kami?” 41 Suma­got sa kanila si Jesus: “Kung sakaling bulag kayo, wala sana kayong kasa­lanan. Ngunit ngayong sinasabi n’yong ‘Nakakakita kami,’ nama­ma­lagi ang inyong kasalanan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

No comments: