Mabuting Balita: Marcos 8:1-10
1 Maraming tao ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: 2 “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain 3 at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” 5 Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”
6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. 7 Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.
8 Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong bayong. 9 Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. 10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment