Mabuting
Balita: Mateo 6:1-6, 16-18
1 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong
mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa
inyong Amang nasa langit. 2 Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan
ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa
mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan
na sila nang husto.
3 Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa
iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; 4 at mananatiling
lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang
siyang gagantimpala sa iyo.
5 Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga
mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para
manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan
na sila nang husto. 6 At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa
iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang
lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa
iyo.
• 16 Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha
gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng
tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila
nang husto. 17 Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang
sarili 18 sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitang-tao lamang kundi
para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang
nakakakita sa lahat ng lihim.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment