Mabuting Balita: Mateo 3:1-12
1 Nang panahon ding iyon, dumating
sa disyerto ng Judea si Juan Bautista at nagsimulang magpahayag:
2 “Magbagong-buhay kayo, lumapit na ang paghahari ng Langit!” 3 Siya
ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niyang: “Naririnig ang sigaw sa
disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas.”
4 Balahibo ng kamelyo ang suot ni
Juan; at may sinturong katad sa baywang, at balang at pulot-pukyutang-gubat ang
kinakain. 5 May mga taga-Jerusalem, taga-Judea at mula sa buong rehiyon ng
Jordan na pumunta sa kanya. 6 Inaamin nila ang kanilang mga kasalanan at
binibinyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan.
7 Nang makita niya na lumalapit
sa kanya ang ilang Pariseo at Sadduseo para magpabinyag, sinabi niya: “Lahi ng
mga ulupong! Sino ang nagsabi sa inyong matatakasan ninyo ang darating na paghatol?
8 Patunayan ninyo ang inyong pagbabagong-buhay, 9 at huwag ipagyabang
na ‘si Abraham ang ama namin.’ Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito’y
makagagawa ng mga anak ang Diyos para kay Abraham! 10 Nakaamba na ang
palakol sa tabi ng ugat ng mga puno – para sibakin ang alinmang punong hindi
namumunga ng mabuti, at itatapon ito sa apoy.
11 Sa tubig ko kayo binibinyagan
para sa pagbabagong-buhay pero kasunod kong darating ang isang makapangyarihan
pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat magdala sa kanyang sandalyas.
Bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. 12 Siya ang nakahandang
magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Lipunin niya ang lahat ng butil sa
kanyang kamalig ngunit susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment