Saturday, December 14, 2019

Ang Mabuting Balita para sa Huwebes Disyembre 19, Ikatlong Linggo ng Adbiyento: Lucas 1:5-25


Mabuting Balita: Lucas 1:5-25
5 Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nag­ngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pa­nga­lan. 6 Kapwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng batas at kautusan ng Panginoon. 7 Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa matanda na sila.

8 Minsan, habang naglilingkod si Zaca­rias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat, 9 nagpalabu­nutan sila ayon sa kaugalian ng kapa­rian at siya ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Pa­ngi­noon para mag­sunog ng insenso. 10 Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nana­nalangin ang buong bayan sa labas, 11napakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, naka­tayo sa gawing ka­nan ng altar ng insenso. 12 Naligalig si Za­carias at sinid­lan ng takot pagkakita rito.

13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; d­i­ninig na ang iyong panalangin. Ipa­nganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. 14 Magiging ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang.

15 Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos siya ng Espiritu Santo mula sa sinapu­punan ng kanyang ina. 16 Panunum­balikin niya ang maraming anak ng Israel sa Panginoong kani­­lang Diyos. 17 Mangu­nguna siya sa Panginoon taglay ang diwa at ka­pang­yarihan ni Elias para papag­kasun­duin ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masu­wayin sa pag-unawang bagay sa mga makatarungan upang ma­ihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.”

18 Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” 19 Sumagot ang anghel at sinabi sa kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para ka­usapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. 20 Matutupad sa takdang pana­hon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di maka­pagsasalita hanggang sa araw na mang­yari ang mga ito.”

21 Naghihintay naman kay Zacarias ang bayan at nagtataka sa pagtatagal niya sa loob ng santuwaryo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapag­sa­lita kaya nalaman nilang nakakita siya ng isang pangitain sa loob ng santuwaryo. Sume­senyas na lamang siya sa kanila at nana­tiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Za­carias. 24 At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong di lumabas ng bahay at sinabi: 25 “Ito’y gawa ng Panginoon! Ipinasya niyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

No comments: