Mabuting
Balita: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon
ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa
takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila:
“Kapayapaan sa inyo!”
20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila
ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa
Panginoon. 21 At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa
inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” 22 At
pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo!
23 Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at
pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.”
24 Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang
Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. 25 Kaya
sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi
naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga
pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang
aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
26 Makaraan ang walong araw, muling nasa
loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang
nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” 27 At
sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga
kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging
maniwala kundi maniwala!”
28 Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon
ko at Diyos ko – ikaw!” 29 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa
nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at
naniniwala.” Konklusyon 30 Ngayon, marami pang ibang tandang
ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa
kasulatang ito. 31 Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo
na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon
kayo ng buhay sa bisa ng kanyang Pangalan.
No comments:
Post a Comment