Mabuting
Balita: Lucas 15:1-3, 11-32
1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng
kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan
ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at
nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
11 “May isang taong
may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi
ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’
At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. 13 Pagkaraan
ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa
malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay.
14 Nang maubos na
ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula
siyang maghikahos. 15 Kaya
pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng
mga baboy sa bukid nito. 16 At
gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala
namang magbigay sa kanya.
17 Noon siya
natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na
labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. 18 Titindig ako, pupunta sa aking
ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa
harap mo. 19 Hindi na ako
karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga
arawan.’
20 Kaya tumindig
siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at
naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama,
nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak
mo.’
22 Pero sinabi ng
ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at
ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang
kanyang mga paa. 23 Dalhin at
katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya 24 sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala
at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang.
25 Nasa bukid noon
ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya
ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag
niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. 27 Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik
ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi
niya siyang buhay at di naano.’
28 Nagalit ang
panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. 29 Sumagot naman siya sa ama:
‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong
mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na
mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada.
30 Ngunit dumating
lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng
bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’ 31 Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo
rin ang lahat ng akin. 32 Pero
dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at
nabuhay, nawala at natagpuan’.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
+ + + + + + +
Repleksyon:
Masusukat mo ba ang pag-ibig ng Diyos?
Ang walang sukatang pag-ibig ng Diyos ay ipinapakita
sa ating mabuting balita ngayong ika-apat na lingo ng kuwaresma. Ang mapagmahal
at mapagpatawad na ama ay walang iba kundi ang Diyos. At ang nag sisising
bunsong anak na winaldas ang kanyang minana sa pamamagitan ng makasalanang
pamumuhay ay maaaring sinuman sa atin.
Baka isipin natin na dahil sa ating maraming mga
kasalanan ay tayo ay hindi na abot ng pag-ibig, awa at pagpapatawad ng Diyos.
Tayo ay abot na abot parin ng Diyos gaano man tayo kalayo humiwalay sa kanya
dahil sa ating mga kasalanan. Bakit? Dahil ang pag-ibig, awa at pagpapatawad ng
Diyos sa atin ay walang hangganan. Para itong sikat ng araw na para sa ating
lahat at walang pinipili maging sino man tayo.
Pero, para tayo ay maabot nitong walang hangang
pag-ibig ng Diyos. Dapat tayo ay handa ring pagsisihan ang ating mga nagawang
mga kasalanan. At dapat tayo rin ay handang mag pakumbaba sa Diyos. At boung
kababaang loob na tanggapin na tayong lahat ay mga makasalanan. Kaya tayo rin
ay nangangailagan ng awa, pagpapatawad at pag-ibig ng Diyos.
Kaya napapanahon na na tayo ay bumalik na sa ating
mapagpatawad, mawain at mapagmahal na Diyos. Napapanahon na na tayo ay magsisi
at tuluyan nang iwanan ang buhay makasalanan. At ang mga taong wala ng ginawa
kundi ang impluwensyahan tayo na magkasala. – Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment