1 Matapos ituro ni
Jesus ang mga ito sa mga tao, pumasok siya sa Capernaum. 2 May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at
pinahahalagahan niya ito. 3 Pagkarinig
niya tungkol kay Jesus, nagpapunta siya sa kanya ng mga Matatanda ng mga Judio
para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. 4 Pagdating ng mga ito kay Jesus,
taimtim nila siyang pinakiusapan: “Marapat lamang na pagbigyan mo siya; 5 mahal nga niya ang ating bayan
at siya ang nagpatayo ng aming sinagoga.”
6 Kaya kasama nilang
pumunta si Jesus. Nang hindi na siya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa
kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin: “Ginoo, huwag ka nang
mag-abala pa; hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking
bahay. 7 Kaya hindi ko man lang
inakalang nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang
aking katulong. 8 Mababa nga
lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko. At kung iutos ko sa isa,
‘Umalis ka,’ umaalis siya; at sa iba naman, ‘Halika,’ at pumaparito siya. At
pag sinabi kong ‘Gawin mo ito,’ sa aking katulong, ginagawa nga niya ito.”
9 Humanga si Jesus
pagkarinig niya nito. Lumingon siya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi:
“Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig!”
10 At nang magbalik sa bahay
ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
No comments:
Post a Comment