At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.”
Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?”
Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa, at dumaong sa Genesaret. Nakilala si Hesus ng mga tagaroon. Agad nilang ipinamalita sa buong palibot ng lupaing iyon ang pagdating ni Hesus kaya’t dinala nila sa kanya ang lahat ng maysakit. Hiniling nila sa kanya na ipahipo man lamang sa mga maysakit kahit ang laylayan ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.