Tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo at ng mga taong iyon?” Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya’y inaalihan ng masamang espiritu, at hindi makapagsalita. Tuwing aalihan siya nito, siya’y inilulugmok; bumubula ang kanyang bibig at nagngangalit ang kanyang ngipin, at siya’y naninigas.
Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu, ngunit hindi nila napalayas ito!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” At dinala nga nila ito sa kanya. Nang si Hesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata, anupa’t napalugmok ito sa kanya, at gumugulong-gulong na bumubula ang bibig.
“Kailan pa siya inalihan ng masamang espiritu?” tanong ni Hesus sa ama. “Mula pa po sa kanyang pagkabata!” tugon niya. “Madalas siyang ihagis nito sa apoy at sa tubig upang patayin. Kaya kung may magagawa kayo, mahabag po kayo sa amin at tulungan ninyo kami.” “Kung may magagawa!” ulit ni Hesus. “Mapangyayari ang lahat sa may pananalig.” Kaagad sumagot nang malakas ang ama ng bata, “Nananalig po ako! Tulungan ninyo ako bagamat ako’y nagkulang.”
Nang makita ni Hesus na dumaragsa ang mga tao, pinagsabihan niya ang masamang espiritu, “Ikaw, espiritung nagpapapipi at nagpapabingi – iniuutos ko sa iyo: lumabas ka sa bata! At huwag ka nang papasok sa kanya!” Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinapangisay ang bata, at saka lumabas. Naging mistulang bangkay ang bata, kaya’t ang sabi ng marami. “Patay na!”
Subalit
siya’y hinawakan ni Hesus sa kamay at ibinangon. At tumindig ang bata. Nang
pumasok na si Hesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad,
“Bakit po hindi namin napalayas ang espiritu?” Sumagot si Hesus, “Ang ganitong
uri ng espiritu ay hindi mapalalayas kundi sa pamamagitan ng panalangin.”