Mabuting
Balita: Lucas 23:1-49
1 At tumindig silang lahat at dinala si
Jesus kay Pilato. 2 Doon nila siya sinimulang paratangan:
“Napatunayan naming ginugulo ng taong ito ang aming bayan; tumututol siya sa
pagbubuwis sa Cesar at sabi niya’y siya ang Kristong Hari.” 3 Tinanong
siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang
nagsasabi.” 4 Nagsalita si Pilato sa mga punong-pari at sa mga
tao: “Wala akong nakikitang kasalanan sa taong ito.” 5 Pero nagpumilit
sila at sinabi: “Nangangaral siya sa buong lupain ng mga Judio at ginugulo
ang bayan. Galing pa siya sa Galilea at ngayo’y narito na siya.” 6 Nang
marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea nga ang tao.
7 Nang malaman niya na tagaroon si Jesus
at saklaw ni Herodes, ipinadala niya siya kay Herodes na nagkataon namang nasa
Jerusalem din nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang
makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita; marami ang nabalitaan
niya tungkol kay Jesus at umaasa siyang gagawa ito ng himala sa harap niya. 9 Kaya
matagal niyang tinanong si Jesus pero hindi ito sumagot. 10 Naroon
naman ang mga punong-pari at mga guro ng Batas, at walang tigil na
nagpaparatang sa kanya. 11 Pagkatapos ay hinamak at ininsulto si
Jesus ni Herodes at ng kanyang mga sundalo. At ipinabalik niya siya kay Pilato
matapos bihisan ng damit-hari.
12 At sa araw ring iyon naging magkaibigan
sina Herodes at Pilato na dating magkaaway. 13 Tinawag ni Pilato
ang mga punong-pari, ang Matatanda at ang bayan, 14 at sinabi sa
kanila: “Iniharap ninyo sa akin ang taong ito na parang isang nanggugulo sa
bayan. Pagkatanong ko ngayon sa kanya sa harap ninyo, wala akong nakitang
batayan ng inyong mga paratang sa kanya. 15 At ni si Herodes,
haya’t ipinabalik niya siya sa akin. Maliwanag na walang nagagawa ang taong ito
para hatulan ng kamatayan. 16 Kaya pakakawalan ko siya matapos
maipahagupit.”
• 18 Pero sabay-sabay
na nagsigawan ang mga tao: “Patayin ang taong iyan at si Barabbas ang
pakawalan!” 19 Ibinilanggo ang taong iyon dahil sa pagpatay at sa
isang pag-aalsang nangyari sa lunsod. 20 Gusto ni Pilatong
pakawalan si Jesus kaya muli siyang nagsalita sa kanila. 21 Pero
nagpatuloy sila sa pagsigaw: “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” 22 Ikatlong
beses niyang sinabi sa kanila: “Anong masama ang ginawa niya? Wala akong
nakitang dahilan para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko siya at pakakawalan.”
23 Pero patuloy silang sumigaw nang malakas at hininging ipako
siya sa krus at lalo pang lumakas ang kanilang sigawan. 24 Kaya
ipinasya ni Pilato na gawin ang kanilang hinihingi. 25 Pinakawalan
niya ang taong kanilang hinihingi na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at
pagpatay, at ipinaubaya si Jesus sa kanilang kagustuhan.
26 Nang dalhin siya nila, pinilit nila ang
isang nagngangalang Simon na taga-Cirene na galing sa bukid at ipinapasan dito
ang krus para dalhing kasunod ni Jesus. • 27 Napakaraming tao
ang sumusunod sa kanya, kasama ang mga babaeng nananaghoy at tumatangis dahil
sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi: “Mga kababaihan
ng Jerusalem, huwag ako ang inyong iyakan kundi para sa inyong mga sarili at sa
inyong mga anak kayo umiyak. 29 Sapagkat palapit na ang panahon na
sasabihin: ‘Mapapalad ang mga baog, ang mga babaeng di nagkaanak at mga dibdib
na di nagpasuso.’ 30 At sasabihin nila sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga
burol, ‘Tabunan ninyo kami.’
31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa
kahoy na sariwa, ano pa kaya ang gagawin sa tuyo?” 32 Dinala ring
kasama ni Jesus ang dalawa pang kriminal para bitayin. 33 Dumating
sila sa lugar na tinatawag na Kalbaryo, at doon nila siya ipinako sa krus
kasama ng mga kriminal, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 (At
sinabi ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang
ginagawa.”) At pinaghati-hatian sa sugal
ang kanyang mga damit. 35 Naroon ang mga tao na nakatingin.
Pinagtatawanan naman siya ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din
niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.” 36 Pinagtawanan
din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong
suka. 37 Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo
ngayon ang iyong sarili.” 38 May nakasulat nga sa wikang Griyego,
Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.”
• 39 Ininsulto rin siya
ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Di ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas
mo ang iyong sarili pati kami.” 40 Pero pinagsabihan ito ng isa
pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang
dinaranas? 41 At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang
natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang
masama.” 42 At sinabi pa niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating
mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko
sa iyo: sa araw ring ito, makakasama kita sa Paraiso.” 44 Nang mag-aalas dose na,
nagdilim sa buong lupain hanggang alas tres – 45 naglaho ang araw.
At napunit naman sa gitna ang kurtina ng Templo. 46 Malakas na
sumigaw noon si Jesus: “Ama, sa mga kamay mo ipinagkakatiwala ko ang aking
espiritu.” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. 47 Nang
makita ng kapitan ang nangyari, ipinahayag niya ang katotohanan; sinabi niya:
“Talaga ngang matuwid ang taong ito.” 48 Umuwi naman ang lahat ng
nagkakatipon sa panooring ito, na dinadagukan ang kanilang dibdib pagkakita
sa nangyari. 49 Nakatayo sa
malayo ang lahat niyang kakilala pati ang mga babaeng sumunod sa kanya mula
sa Galilea, at nasaksihan nila ang lahat ng ito.