Mabuting Balita: Mateo 4:1-11
1 Dinala ng Espiritu si Jesus sa disyerto upang
tuksuhin siya ng diyablo. 2 Pagkatapos ng apatnapung araw at apatnapung
gabing di kumakain, nagutom si Jesus. 3 Kaya lumapit sa kanya ang demonyo
at sinabi: “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na
maging tinapay.”
4 Ngunit sumagot si Jesus: “Sinasabi ng
Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi
sa bibig ng Diyos.” 5 Dinala naman siya ng diyablo sa Banal na Lunsod,
inilagay siya sa nakausling pader ng Templo, 6 at sinabi: “Kung ikaw ang
Anak ng Diyos, tumalon ka paibaba pagkat sinasabi ng Kasulatan: Uutusan ng
Diyos ang kanyang mga anghel para sa iyo.
Bubuhatin ka nila upang hindi matisod ang iyong
paa sa bato.” 7 Sumagot si Jesus: “Ngunit sinasabi rin ng Kasulatan:
Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.” 8 At agad na dinala ng
diyablo si Jesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat
ng bansa ng daigdig sampu ng kayamanan at kadakilaan ng mga ito.
9 At sinabi sa kanya: “Ibibigay ko sa iyo
ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Kaya sumagot si
Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sinasabi nga ng Kasulatan: Sambahin mo ang
Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.” 11 Kaya
iniwan siya ng diyablo at lumapit naman ang mga anghel at naglingkod sa
kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment