Kumain ka pagkakain ko.' Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa
ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo
ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang
kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.'"
Paminsan-minsan,
dumaraan tayo sa mahihirap na pagsubok sa buhay na nagtutulak sa atin na
kuwestiyunin kung tunay nga bang may Diyos. Dahil itinuro sa atin na may Diyos,
maaaring agad nating sabihin, “Oo, may Diyos.” Ngunit sa kaibuturan ng ating
puso, kung minsan ay paulit-ulit pa rin nating itinatanong: Kung may Diyos,
bakit may pagdurusa? Bakit nagdurusa ang mga inosente? Bakit kung minsan ay
tila hindi sinasagot ang ating mga panalangin?
Hindi
natin laging alam ang mga sagot sa mga makatuwirang tanong na ito sapagkat may
mga pagkakataong tila bingi ang Diyos sa ating mga daing at pagsusumamo. Sa mga
ganitong sandali, nasusubok ang ating pananampalataya, nanghihina ang ating
puso, at napupuno ng mga katanungan ang ating isipan.
Ngunit
sino ba tayo upang kuwestiyunin ang kadakilaan ng Diyos? Tayo ay tila isang
munting tuldok lamang sa lawak ng mundong ito, mga abang lingkod at mga taong
may hangganan na madaling panghinaan ng loob tuwing nahaharap tayo sa
pagdurusa.
Gayunman,
sa kabila ng ating kaliitan sa harap ng walang hanggan at makapangyarihang
Diyos, likas lamang sa ating pagkatao na magtanong sa Kanya. Maaari nating
ibuhos sa Kanya ang laman ng ating puso, ipahayag ang ating dalamhati, at
taimtim na humingi ng mga kasagutan.
Bakit kailangan nating pagdaanan ang lahat ng
pagdurusang ito? Bakit kung minsan ay tila nananahimik Siya sa mga sandaling
lubos nating kailangan ang Kanyang tulong? Dalhin natin sa Diyos ang mga tapat
na katanungang ito sa pamamagitan ng panalangin.
Kilala
Niya ang ating puso, nauunawaan Niya ang ating mga pinagdaraanan, at nakikita
Niya ang bawat luhang pumapatak mula sa ating mga mata. Kahit hindi natin
nauunawaan ang Kanyang mga pamamaraan, patuloy pa rin nating hanapin ang
Kanyang presensya.
Sa
kabila ng lahat ng pagdurusang ito, tayong mga nabubuhay ay hindi dapat mawalan
ng pananampalataya. Patuloy tayong kumapit sa Diyos na nagkaloob sa atin ng buhay
at ng kaloob na pananampalataya. Sapagkat kung mawawala ang ating
pananampalataya, kanino pa tayo lalapit?
Yayakapin
ba natin ang kasamaan at hahayaan si Satanas na kontrolin ang ating buhay?
Siyempre hindi! Walang sinuman sa atin ang magnanais na isuko ang kanyang buhay
kay Satanas. Maaaring pahinain tayo ng mga pagdurusa, ngunit hindi natin dapat
hayaang sirain ng mga ito ang ating ugnayan sa Diyos.
Totoo
si Satanas at ang kanyang mga alalay na mga demonyo, at lagi siyang naghihintay
ng tamang pagkakataon upang iligaw tayo at makontrol ang ating buhay. Maaari
niyang gamitin ang ating mga pagkabigo, pagkadismaya, at pagdurusa upang
tuksuhin tayong talikuran ang ating pananampalataya.
Ngunit
walang anumang kapangyarihan si Satanas na makapapantay sa kapangyarihan ni
Hesus. Kaya naman, manatili tayong malapit kay Hesus at sudin natin ang Kanyang
mga aral, gaya ng isang tapat na lingkod na buong pusong isinasabuhay ang mga
tagubilin ng kanyang Panginoon.
Tandaan
natin na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi nangangahulugang hindi na
tayo magtatanong sa Diyos, makararanas ng sakit, o mahihirapan dahil sa mga
panalanging tila hindi sinasagot. Sa halip, ang tunay na pananampalataya ay ang
patuloy nating pagtitiwala sa Kanya kahit hindi natin nauunawaan ang mga
nangyayari sa ating buhay. Maaaring hindi natin laging matanggap ang mga sagot
na labis nating inaasam, ngunit lagi tayong maaaring lumapit kay Hesus na hindi
kailanman nagpapabaya sa atin.
Kapag
ang ating mga pagdurusa ay nagtutulak sa atin na kuwestiyunin ang pag-iral ng
Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa atin, hahayaan ba nating ilayo tayo ng ating
mga paghihirap sa Kanya, o lalo pa tayong kakapit kay Hesus at magtitiwala na
higit na makapangyarihan ang Kanyang pagmamahal kaysa sa lahat ng pagdurusang
maaari nating maranasan?—Marino J. Dasmarinas
No comments:
Post a Comment