Please join My Reflections' Facebook Group

Tuesday, December 16, 2025

Ang Mabuting Balita at Repleksyon sa Disyembre 17 Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento: Mateo 1:1-17


Mabuting Balita: Mateo 1:1-17
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo. 

Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David. 

Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia. 

Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Joconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.  

Samaktwid, labing-apat ang salin-lahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia, at labing-apat din mula sa pagkakatapon sa Babilonia hanggang kay Kristo.

+ + + + + + +
Repleksyon:
Kaya pa ba nating balikan at tukuyin ang ating mga ninunong pinagmulan? May ilan sa atin na alam pa kung saan tayo nagmula, ngunit mayroon ding mga hindi na alam ang kabuuan ng kanilang pinanggalingan. Gayunman, ang pagbalik-tanaw sa ating pinagmulan ay hindi lamang tungkol sa mga pangalan at lugar. Ito ay tungkol sa mas malalim na pag-unawa kung sino tayo at kung paano tayo nahubog n gating pinagmulan.

Sa pagbasa ng Mabuting Balita, ipinakikita sa atin ang mahabang talaan ng mga pangalan na bumubuo sa angkan ni Hesus. Habang pinagninilayan natin ito, napagtatanto nating marami sa Kanyang mga ninuno na tulad din natin ay hindi perpekto. Si Haring David, bagama’t hinirang at minahal ng Diyos, ay nagkasala nang malubha sa kanyang imoral na relasyon kay Bathsheba. Si Solomon naman, na pinagkalooban ng dakilang karunungan, ay naging alipin ng makamundong pagnanasa at hindi nanatiling tapat sa Panginoon.

Gayunpaman, pinili ng Diyos na isilang ang Kanyang Anak sa isang angkang may bahid ng kahinaan at kasalanan. Sa pamamagitan nito, ipinapakita sa atin ng Diyos na ang kabanalan ay hindi nagsisimula sa pagiging perpekto. Sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala, nais pa rin ng Diyos na tayo ay mapabilang sa Kanyang pamilya. Ang ating mga kasalanan ay hindi hadlang sa Kanyang pagmamahal; bagkus, dito lalo pang nahahayag ang Kanyang dakilang awa.

Sa Kanyang walang hanggang karunungan, naniniwala ang Diyos sa ating kakayahang magbago at maging mas mabuti. Alam Niya na sa kaibuturan ng ating mga puso, may pananabik tayong iwan ang ating makasalanang pamumuhay at magsimulang muli. Hindi tayo kailanman sinusukuan ng Diyos. Matiyaga Siyang naghihintay, nagtitiwalang darating ang araw na mamumulat tayo sa liwanag na mag-aakay sa atin palabas ng dilim—at ang liwanag na ito ay si Hesus.

Ibinibigay sa atin ng Diyos si Hesus, na laging handang magligtas at magpatawad, gaano man kabigat o kahiya-hiya ang ating mga kasalanan. Ang awa ng Diyos ay walang pinipili. Hindi Niya tayo hinahatulan, ni itinataboy. Sa halip, tinitingnan Niya ang ating taos-pusong hangaring magbago, magpanibago ng buhay, at talikuran ang kasalanan.

Habang pinagninilayan natin ang katotohanang ito, inaanyayahan tayong suriin ang ating sariling buhay. Kung tayo ay tinatanggap ng Diyos sa kabila ng ating kahinaan at mga kasalanan, ano pa ang pumipigil sa atin upang lubos Siyang pagtiwalaan?

Handa na ba tayong buksan ang ating mga puso, pahintulutan ang Kanyang biyaya na baguhin tayo, para mas ganap na mapabilang sa Kanya? – Marino J. Dasmarinas

No comments:

Post a Comment