Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Jesus, may dumating na isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod sa harapan niya at ang sabi, "Kamamatay lang po ng aking anak na babae; ngunit sumama lang kayo sa akin at ipatong ang inyong kamay sa kanya ay mabubuhay siya." Tumindig si Jesus at sumama sa kanya, gayon din ang kanyang mga alagad.
Sumunod din ang isang babaing may labingdalawang taon nang dinudugo. Lumapit ito sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kanyang damit. Sapagkat sinabi niya sa sarili, "Mahipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako." Bumaling si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, "Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananalig." Noon di'y gumaling ang babae.
Nang dumating si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, "Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang!" At siya'y pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang bata at ito'y nagbangon. At ang balita tungkol sa pangyayaring ito ay kumalat sa buong lupaing iyon.
No comments:
Post a Comment