Please join My Reflections' Facebook Group

Monday, March 11, 2024

Ang Mabuting Balita Marso 14, Huwebes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma: John 5:31-47


Mabuting Balita: Juan 5:31-47
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga Judio: "Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, huwag ninyong tanggapin, ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 

Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawaing ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap -- iyan ang patotoo na ako'y sinugo niya. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. 

Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin, ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay. 

"Hindi ako naghahangad ng parangal ng mga tao. Ngunit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo'y ang parangal ng isa't isa, at hindi ang parangal na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayong makapaniniwala? 

Huwag ninyong isiping ako ang magsasakdal sa Ama laban sa inyo; si Moises na inaasahan ninyo ang siyang maghaharap ng sakdal laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, ako'y paniniwalaan din sana ninyo, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga sinasabi ko?"

No comments:

Post a Comment