Please join My Reflections' Facebook Group

Monday, March 11, 2024

Ang Mabuting Balita Marso 12, Martes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma: Juan 5:1-16


Mabuting Balita: 
Juan 5:1-16
Nang dumating ang pagdiriwang ng pista ng mga Judio, pumunta si Hesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa, ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Betesda. Natitipon dito ang maraming maysakit -- mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, sapagkat may panahong bumababa ang isang anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. 

Ang maunang lumusong pagkatapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling, anuman ang kanyang karamdaman. Doon ay may isang lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit, at siya'y nakita ni Hesus. Alam nitong matagal nang may sakit ang lalaki. Tinanong siya ni Hesus, "Ibig mo bang gumaling?" Sumagot ang maysakit, "Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag nakalawkaw na ang tubig; patungo pa lamang ako roon ay may nauuna na sa akin." 

Sinabi sa kanya ni Jesus, "Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at lumakad ka." At pagdaka'y gumaling ang lalaki, dinala ang kanyang higaan, at lumakad. Noo'y Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, "Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan." Ngunit sumagot siya, "Ang nagpagaling sa akin ang nagsabing dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako." 

At siya'y tinanong nila, "Sino ang nagsabi sa iyong dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka?" Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Hesus sa karamihan ng tao. Pagkatapos, nakita ni Hesus sa loob ng templo ang lalaki at sinabihan, "Magaling ka na ngayon!

Huwag ka nang magkakasala at baka may mangyari sa iyo na lalo pang masama." Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Hesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga Judio, sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.

No comments:

Post a Comment