Please join My Reflections' Facebook Group

Monday, February 05, 2024

Ang Mabuting Balita Martes Pebrero 6, Martes San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama, mga martir (Paggunita): Marcos 7:1-13


Mabuting Balita: Marcos 7:1-13
May mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Jesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Jesus ay kumain ng hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.  

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso [at mga higaan]. 

Kaya't tinanong si Jesus ng mga Pariseo at mga eskriba, "Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!" Sinagot sila ni Jesus, "Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo, gaya ng kanyang isinulat: 'Paggalang na handog sa 'kin ng bayan ko'y paimbabaw lamang, Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpupuri't pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan, Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.'  

Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y ang turo ng tao."Sinabi pa ni Jesus, "Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamng ninyo ang mga turong minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, 'Igalang mo ang iyong ama't ina'; at, 'Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.'  

Ngunit itinuturo ninyo, 'Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina; Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban' (alalaong baga'y inihahain ko ito sa Diyos)-- hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa ganitong paraa'y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga turong minana ninyo. at marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa Ninyo.

No comments:

Post a Comment