Please join My Reflections' Facebook Group

Saturday, August 05, 2023

Ang Mabuting Balita Agosto 7, Lunes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 14:13-21


Mabuting Balita: Mateo 14:13-21
Noong panahong iyon, nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya'y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon.   

Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, "Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain." "Hindi na sila kailangang umalis pa," sabi ni Jesus. "Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain." Sumagot sila, "Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin."   

"Dalhin ninyo rito," sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila'y nakapuno ng labindalawang bakol ng pira-pirasong tinapay. May limang libong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

No comments:

Post a Comment