Please join My Reflections' Facebook Group

Wednesday, May 31, 2023

Ang Mabuting Balita sa Hunyo 2, Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon: Marcos 11:11-26


Mabuting Balita: Marcos 11:11-26
Sa gitna ng pagbubunyi ng mga tao, pumunta si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa templo. Pagkatapos tingnan ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Betania, kasama ang Labindalawa, palibhasa’y gumagabi na noon.

Kinabukasan, nang sila’y pabalik na mula sa Betania, nagutom si Hesus. Natanaw nito sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na madahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng igos noon. Kaya’t sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ito’y narinig ng kanyang mga alagad.  

Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok sa templo si Hesus. Kanyang ipinagtabuyan ang mga nagbibili at namimili roon at ipinagtaob ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan niyang magdaan sa loob ng templo ang sinumang may dala-dalahan. At tinuruan niya ang mga tao.  

Sinabi niya, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.” Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Buhat noo’y humanap sila ng paraan upang mapatay si Hesus, sapagkat natatakot sila sa kanya, dahil sa humahanga ang lahat ng tao sa kanyang turo. Pagdating ng gabi, lumabas na naman ng lungsod si Hesus at ang kanyang mga alagad. 

Kinaumagahan, pagdaan nila’y nakita nilang patay na ang puno ng igos. Naalaala ni Pedro ang nangyari at kanyang sinabi kay Hesus, “Guro tingnan ninyo! Namatay ang puno ng igos na sinumpa ninyo.” Sumagot si Hesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung sabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya.  

Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo. Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong pagkakasala. Ngunit kung hindi kayo magpatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng iyong Amang nasa langit.”

No comments:

Post a Comment