6 Sinabi naman ni Jesus: “Bakit ninyo siya ginugulo? Huwag ninyo siyang pakialaman. Mabuting gawain ang ginawa niya sa akin. 7 Ang mga dukha’y laging nasa inyo at matutulungan ninyo sila kailanman ninyo naisin pero ako’y hindi laging nasa inyo. 8 Ginawa niya ang para sa kanya: inihanda na niya ngayon pa man ang aking katawan para sa paglilibing. 9 Talagang sinasabi ko sa inyo: saan man ipahayag ang Ebanghelyo – sa buong daigdig – mababanggit din ang ginawa niya sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
10 At pumunta sa mga punong-pari si Judas Iskariote na isa sa Labindalawa para ibigay si Jesus sa kanila. 11 Natuwa sila sa pagkarinig sa kanya at nangakong bibigyan siya ng pera. Kaya naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya. 12 Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, nang kinakatay ang mga tupang pampaskuwa, sinabi kay Jesus ng kanyang mga alagad: “Saan mo kami gustong pumunta para maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” 13 Kaya ipinadala niya ang dalawa sa kanyang mga alagad sa pagsasabing: “Pagpunta ninyo sa lunsod, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasang isang bangang tubig. Sumunod kayo sa kanya 14 at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na pupuntahan niya, ‘Ito ang sabi ng Guro: Nasaan ang kuwarto para sa akin para pagsaluhan namin ng aking mga alagad ang Hapunang Pampaskuwa?’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malawak na silid sa itaas na ayos na at may mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.”
16 Umalis nga ang mga alagad at pumunta sa lunsod at nakita ang sinabi ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa. 17 Pagkalubog ng araw, dumating si Jesus kasama ang Labindalawa. 18 Habang nasa hapag sila at kumakain, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo na kasalo ko.” 19 Nalungkot sila at isa-isang nagtanong sa kanya: “Ako ba?” 20 Sumagot siya: “Isa sa Labindalawang kasabay kong magsasawsaw ng tinapay sa plato. 21 Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang magkakanulo sa Anak ng Tao; mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak.”
22 Habang sila’y kumakain, kinuha niya ang tinapay, at matapos magpuri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at ibinigay sa mga alagad habang sinasabi: “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila, at uminom ang lahat. 24 At sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking dugo, ang dugo ng Tipan, na ibinubuhos para sa marami. 25 Sinasabi ko rin sa inyo: hindi na ako iinom pa ng galing sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.”
26 At pagkaawit ng mga salmo pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. 27 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Matitisod kayong lahat. Sinasabi nga ng Kasulatan: ‘Hahampasin ko ang pastol at mangangalat naman ang mga tupa.’ 28 Ngunit pagkabuhay kong muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29 Sinabi ni Pedro: “Kahit na matisod man ang lahat dahil sa iyo, ako’y hindi.” 30 Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo, sa gabi ring ito bago makalawang tumilaok ang tandang, tatlong beses mo akong itatatwa.” 31 Ngunit lalo pang sinabi ni Pedro: “Kahit mamatay pa akong kasama mo, hinding-hindi kita itatatwa.” Gayundin ang sinabi ng iba. 32 At nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane at sinabi niya sa mga alagad: “Maupo kayo rito habang nagdarasal ako.”
33 Isinama niya sina Pedro, Jaime at Juan, at nagsimula siyang labis na kilabutan at mamighati. 34 At sinabi niya sa kanila: “Labis na kalungkutan na parang kamatayan ang aking nadarama. Manatili kayo rito at magpuyat.” 35 At pumunta siya sa malayu-layo pa at napatirapa at dinasal na kung maaari’y lumayo sa kanya ang oras na ito. At sinabi: 36 “Abba (na ibig sabihi’y Tatay), lahat ay posible para sa iyo. Alisin mo sa akin ang kalis na ito. Ngunit hindi ayon sa aking kalooban kundi sa iyo.”
37 At pagbalik niya nakita niya silang natutulog at sinabi niya kay Pedro: “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat nang kahit isang oras lamang? 38 Magpuyat at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Talagang masigasig ang espiritu ngunit mahina ang laman.”
39 Umalis siya uli para manalangin at gayon din ang kanyang sinabi. 40 At pagbalik niya, muli niya silang nakitang natutulog; mabigat nga ang kanilang mga mata at hindi nila alam kung ano ang sasabihin sa kanya. 41 Sa pangatlong balik niya, sinabi niya sa kanila: “Sige, matulog kayo at magpahinga! Tama na. Dumating na ang oras at ibinibigay na ang Anak ng Tao sa mga taong makasalanan. 42 Gumising na kayo at tumindig. Narito na ang nagkakanulo sa akin.”
43 Nagsasalita pa
si Jesus nang dumating si Judas na isa sa Labindalawa, at marami siyang
kasama na ipinadala ng mga punong-pari at mga guro ng Batas at Matatanda ng
bayan. May dala silang mga tabak at pamalo 44 at nagtakda sa kanila ang
taksil ng isang senyas: “Ang siya kong hahalikan, siya ang tao, hulihin ninyo
siya at dalhin at bantayang mabuti.” 45 Kaya lumapit siya kay Jesus at
sinabi: “Guro!” At hinalikan niya ito. 46 At sinunggaban nila siya at
dinakip. 47 Hinugot naman ng isa sa mga naroon ang isang tabak at tinaga
ang isang katulong ng Punong-pari, at naputol ang tainga nito.
48 Nagsalita naman si Jesus: “Isa ba akong tulisan at pumarito kayong may mga tabak at pamalo para hulihin ako? 49 Nasa Templo ako araw-araw sa piling ninyo at nagtuturo, at hindi ninyo ako hinuli. Ngunit kailangang matupad ang mga Kasulatan.” 50 At iniwan siya ng lahat at sila’y nagsitakas. 51 Sinundan siya ng isang binata na nakabalabal lamang ng telang lino at sinunggaban nila siya. 52 Kaya nalaglag ang tela, at hubo’t hubad siyang tumakas.
• 53 Dinala
si Jesus sa bahay ni Caifas na Punong-pari, at doon nagtipon ang mga
punong-pari, mga Matatanda ng bayan at mga guro ng Batas. 54 Sinundan
siya ni Pedro sa malayo hanggang pumasok siya roon sa patyo ng Punong-pari,
nakiupo sa mga utusan at nagpainit sa apoy.
55 Naghahanap ang mga punong-pari at ang Sanggunian ng patotoo laban kay Jesus para maipapatay siya pero wala silang nakita. 56 Marami ngang bulaang saksi ang nagprisinta laban sa kanya pero hindi magkaisa ang kanilang mga patotoo. 57 May dalawang bulaang saksing tumayo at nagpahayag: 58 “Sinabi nito: Magigiba ko ang Templong ito na gawa ng tao at itatayo sa loob ng tatlong araw ang ibang di gawa ng tao.” 59 Gayunman, hindi nagkaisa ang kanilang patotoo.
• 60 At pagtayo ng Punong-pari sa gitna, tinanong niya si Jesus: “Wala ka bang maisasagot sa lahat ng ito? Ano ang patotoo nilang ito laban sa iyo?” 61 Ngunit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot ni isa man. Kaya muli siyang tinanong ng Punong-pari: “Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 At sumagot si Jesus: “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Makapangyarihang Diyos at dumarating sa mga ulap ng langit.” 63 Pinunit ng Punong-pari ang kanyang mga tunika habang sinasabi: “Kailangan pa ba ang mga saksi? 64 Kayo na mismo ang nakarinig sa paglapastangang ito! Ano ang inyong pasya?” At nagpasya ang lahat na kamatayan ang dapat sa kanya. 65 At may mga nagsimulang dumura sa kanya; piniringan nila siya at sinuntok habang sinasabi: “Manghula ka!” At sinampal siya ng mga bantay.
• 66 Habang nakaupo naman si Pedro sa patyo sa ibaba, lumapit sa kanya ang isa sa mga batang utusang babae ng Punong-pari. 67 Pagkakita nito na nagpapainit siya, tiningnan siya nito at sinabing: “Kasama ka ni Jesus na taga-Nazaret.” 68 Ngunit ikinaila niya ito sa pagsasabing “Hindi ko alam ni naiintindihan ang ibig mong sabihin.” Lumayo si Pedro at pagpunta niya sa may pintuan, 69 nakita siya uli ng babae at sinabi sa mga naroon: “Isa sa kanila ang taong ito.” 70 Ngunit muli niya itong ikinaila. Makaraan ang ilang sandali, sinabi naman kay Pedro ng mga nakatayo roon: “Isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka nga.” 71Ngunit nagsimulang magmura at manumpa si Pedro: “Hinding-hindi ko nakikilala ang tao.” 72 At noon ang ikalawang pagtilaok ng tandang. At naalaala ni Pedro ang mga sinabi ni Jesus: “Bago tumilaok nang dalawang beses ang tandang, tatlong beses mo akong itatatwa.” At humagulhol siya.
15 1 Maagang-maaga pa’y naghanda ang mga punong-pari ng isang pulong kasama ang mga Matatanda at mga guro ng Batas – ang buong Sanhedrin. Iginapos nila siya at ipinadala kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsasabi.” 3 Pinaratangan naman siya ng mga punong-pari at Matatanda 4 kaya muli siyang tinawag ni Pilato: “Wala kang sagot? Naririnig mo ba? Kay dami ng mga sakdal laban sa iyo!” 5 Ngunit hindi siya umimik ni isa mang salita kaya nagtaka ang gobernador.
6 Tuwing magpipiyesta, pinalalaya ng gobernador ang sinumang bilanggong gustuhin ng mga tao. 7 At may isang bilanggo roon na nagngangalang Barabbas, na nadakip kasama ng ibang rebelde na may pinatay sa paghihimagsik. 8 Pag-ahon ng bayan, sinimulan nilang hingin kay Pilato na gawin ang dati niyang ginagawa 9 at nagtanong si Pilato: “Gusto ba ninyong pakawalan ko ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam nga niya na ipinadala ng mga punong-pari si Jesus dahil sa inggit. 11 Sinulsulan naman ng mga punong-pari ang mga tao para hingin na si Barabbas ang pakawalan. 12 Kaya tinanong uli sila ni Pilato: “At ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 At sumagot ang lahat: “Ipako siya sa krus!” 14 Iginiit naman ni Pilato: “Ano ang kanyang kasalanan?” Ngunit lalo nilang nilakasan ang sigaw: “Ipako iyan sa krus!”
15 Sa hangad ni Pilatong bigyang-kasiyahan ang bayan, pinakawalan niya si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus at ibinigay para ipako sa krus. 16 At ipinasok ng mga sundalo si Jesus sa Pretorio o bulwagan at tinawag ang buong hukbo. 17 Dinamitan nila siya ng kulay-pulang balabal at pumilipit sila ng isang koronang tinik at ipinutong ito sa kanyang ulo. 18 At sinimulan nila siyang batiin: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Pinaghahampas nila ng patpat ang kanyang ulo at dinuraan nila siya at saka paluhod na sinamba-samba. 20 Matapos nila siyang libakin, inalis nila ang pulang balabal, isinuot sa kanya ang sariling damit at inilabas para ipako sa krus.
21 Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na pasanin ang krus ni Jesus. Galing ito sa bukid nang masalubong nila. Siya ang ama nina Alejandro at Rufo. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na Bungo ang ibig sabihin, 23 at pinainom nila siya ng alak na hinaluan ng mira. Tinikman ito ni Jesus ngunit hindi niya ito ininom. 24 At ipinako nila siya sa krus at pinaghati-hatian sa sugal ang kanyang mga damit para malaman kung alin ang para kanino.
25 Alas nuwebe ng umaga nang ipinako siya sa krus. 26 Ipinaskel naman nila sa ulunan niya ang nakasulat na sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Ipinako rin nilang kasama niya ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa. 28 Kaya natupad ang Kasulatan na nagsasabing “Ibinilang siya sa masasama.” 29 Umiiling ang mga nagdaraan at iniinsulto siya: “Aha! gigibain mo pala ang Templo at itatayong muli sa loob ng tatlong araw. 30 Kaya iligtas mo ngayon ang iyong sarili at bumaba ka sa krus!” 31 Pinagtawanan din siya ng mga punong-pari at mga guro ng Batas na nag-uusap-usap: “Nailigtas niya ang iba, at sarili niya’y di mailigtas! 32 Bumaba ngayon ang Mesiyas, ang Hari ng Israel, mula sa krus at nang makita namin at kami’y maniwala sa kanya.” At ininsulto rin siya ng mga kriminal na kasama niyang ipinako.
33 Mula tanghaling-tapat hanggang alas tres, nagdilim ang buong lupain. 34 Nang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas: “Eloi, Eloi, lamma sabactani?” na ang kahuluga’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Nang marinig ito ng ilan sa mga naroon, sinabi nila: “Tinatawag niya si Elias.” 36 May tumakbo at inilagay sa patpat ang isang esponghang isinawsaw sa suka para ipainom sa kanya. At sinabi nito: “Tingnan natin kung ililigtas siya ni Elias.” 37 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at nalagutan ng hininga. 38 Sa sandaling iyon, napunit mula itaas hanggang baba ang kurtina ng Santuwaryo. 39 Nang makita ng kapitang naroon sa tapat niya na ganoon siya nalagutan ng hininga, sinabi niya: “Totoo ngang Anak ng Diyos ang taong ito.”
40 May mga babae
ring nagmamasid mula sa malayo, kabilang sa kanila sina Maria Magdalena,
Mariang ina nina Jaimeng Maliit at Joset, at si Salome. 41 Sinundan nila
siya at pinaglingkuran nang nasa Galilea siya, at naroon din ang marami pang
babae na umahon sa Jerusalem na kasama nila.
42 Araw ng
Paghahanda noon bago mag-Araw ng Pahinga kaya nang magtatakipsilim na,
43 dumating si Joseng taga-Arimatea na marangal na kagawad ng Sanhedrin.
Hinihintay din niya ang kaharian ng Diyos, at buong tapang niyang nilapitan si
Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. 44 Nagulat si Pilato na namatay na
pala ito kaya ipinatawag niya ang kapitan at itinanong kung patay na nga si
Jesus. 45 Nang malaman niya ito sa kapitan, ibinigay niya ang katawan kay
Jose. 46 Bumili ito ng telang linen, at pagkababa nito sa katawan ay
ibinalot sa tela at inilagay sa libingang inuka sa bato. At saka niya
pinagulong ang isang malaking bato sa bukana ng libingan. 47 Tiningnan
naman ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Joset kung saan siya inilagay.
No comments:
Post a Comment