Mabuting
Balita: Lucas 24:13-35
13 Nang
araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong
mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang
mga nangyari. 15 Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus
at nakisabay sa paglakad nila 16 pero parang may kung anong hadlang sa kanilang
mga mata at hindi nila siya nakilala.
17 Tinanong
niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang
malungkot. 18 Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas:
“Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga
nangyari roon nitong mga ilang araw?” 19 Itinanong niya: “Ano?” Sumagot
sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong
baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita.
20 Ngunit
isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay
at ipinako siya sa krus. 21 Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa
Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. 22 Sa
totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa
libingan 23 pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila
at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi
sa kanila na buhay siya.
24 Nagpunta
rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga
babae pero hindi nila siya nakita.” 25 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi
makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga
propeta. 26 Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok
sa kanyang Luwalhati?” 27 At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang
lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa
lahat ng Propeta.
28 Nang
malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng
paglakad. 29 Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil
dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa
kanila. 30 Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay,
nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. 31 At noo’y nabuksan ang
kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. 32 Nag-usap
sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa
daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”
33 Noon
di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama
ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. 34 Sinabi ng mga iyon sa
kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” 35 At
isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala
sa pagpipiraso ng tinapay.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment