Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagbaba ni
Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking
itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3 at doon
na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena
pa ang gamitin nila. 4 Ilang beses na siyang
kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang
nakakapigil sa kanya. 5 Nagsisisigaw siya araw at
gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.
6 Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit
kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni
Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong
iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng
Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong
pahirapan!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang
pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At
paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang
palayasin sa lupaing iyon.
11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa
gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang
espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya
pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok
sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol,
nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita
roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para
alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay
Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang
espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot
ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga
nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya
pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar.
18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking
gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si
Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo
sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya
kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at
ipinamalita sa Decapolis,[b] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At
namangha ang lahat ng nakarinig
tungkol sa nangyari.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment