Please join My Reflections' Facebook Group

Thursday, February 13, 2020

Ang Mabuting Balita para sa Linggo Pebrero 16, Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon: Mateo 5:17-37



Mabuting Balita: Mateo 5:17-37
17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, huwag ninyong akalain na napa­rito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpa­walang-bisa kundi upang mag­bigay-kaganapan. 18 At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi naba­bago ang langit at lupa, hindi maba­bago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matu­tupad. 

19 Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngu­nit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit. 20 Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hin­ding-hindi kayo makapapasok sa Kaha­rian ng Langit.

21 Narinig na ninyo na sinabi sa in­yong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. 22 Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinu­mang magalit sa kanyang kapa­tid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kan­yang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nara­rapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno.

23 Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, 24 iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para maki­pagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.

25 Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. 26 Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hang­ga’t di mo nababaya­ran ang kahuli-hulihang sentimo.

• 27 Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. 28 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.
29 Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasa­lanan, alisin mo ito at itapon! Makabu­buti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.

30 Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at ita­pon! Mas makabubuti sa iyo ang mawa­lan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. • 31 Sinabi rin namang: Kung may ma­kikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. 32 Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At naki­kiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.

• 33 Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Pangi­noon. 34 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, 35 ni sa ngalan ng lupa pagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari.

36 Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. 37 Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

No comments:

Post a Comment