Mabuting Balita: Mateo 4:12-23
12 Nang marinig ni Jesus na
dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. 13 Hindi siya tumigil sa Nazaret,
kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo
ng Zabulon at Neftali.
14 Kaya natupad ang salita ni
Propeta Isaias: 15 “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga
daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pa-kinggan ako, Galileang
lupain ng mga pagano.16 Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa
kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”
17 At magmula noon, sinimulang
ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang
Kaharian ng Langit.” 18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng
Galilea, nakita niya ang magkapatid na
Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga
mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa
akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”
20 Agad nilang iniwan ang
kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. 21 Nagpatuloy siya sa paglakad at
nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa
bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang
lambat.
Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at
ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya. 23 Nagsimulang maglibot si Jesus
sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting
Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at
kapansanan ng mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment