Mabuting Balita: Mateo 2:1-12
1 Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa
Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas
mula sa Silangan. 2 Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng
mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito
kami para sambahin siya.” 3 Nang marinig ito ni Herodes, naligalig
siya at ang buong Jerusalem. 4 Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian
at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak
ang Mesiyas.
5 At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda
sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: 6 “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng
Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula
ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.”
7 Kaya
lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga
impormasyon tungkol sa sumikat na tala. 8 At saka niya sila pinapunta sa
Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita
ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at
makasamba.”
9 Umalis sila pagkarinig nila sa hari.
Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas
ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. 10 Labis na natuwa ang mga pantas
nang makita nilang muli ang tala! 11 Pumasok sila sa bahay at nakita nila
ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at
binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto,
kamanyang at mira. 12 At nag-iba sila ng daan pag-uwi
nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang
bumalik kay Herodes.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment