Please join My Reflections' Facebook Group

Wednesday, March 27, 2019

Ang Mabuting Balita at Repleksyon para sa Marso 31, Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma: Lucas 15:1-3, 11-32


Mabuting Balita: Lucas 15:1-3, 11-32
1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:

11 “May isang ta­ong may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. 13 Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bun­song anak ang lahat ng kanya at nag­lakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa malu­wag na pamumuhay.

14 Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matin­ding taggutom sa lupaing ’yon at nagsi­mula siyang maghikahos. 15 Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inu­tusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. 16 At gusto sana niyang pu­nuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya.

17 Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gu­tom. 18 Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nag­ka­sala ako laban sa langit at sa harap mo. 19 Hindi na ako karapat-dapat pang ta­wa­­ging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’

20 Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang ma­tanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sina­lubong ang anak, niyakap at hinalikan. 21 Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat   pang tawaging   anak  mo.’

22 Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utu­san: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang da­mit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. 23 Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya 24 sa­pag­kat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang mag­diwang.

25 Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nang­yari. 27 Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’

28 Nagalit ang panganay at ayaw puma­sok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. 29 Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang in­yong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga ka­barkada.

30 Ngunit dumating la­mang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kaya­manan sa mga ba­baeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’ 31 Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang la­hat ng akin. 32 Pero dapat lamang na mag­diwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon   


+ + + + + + +
Repleksyon:
Masusukat mo ba ang pag-ibig ng Diyos?

Ang walang sukatang pag-ibig ng Diyos ay ipinapakita sa ating mabuting balita ngayong ika-apat na lingo ng kuwaresma. Ang mapagmahal at mapagpatawad na ama ay walang iba kundi ang Diyos. At ang nag sisising bunsong anak na winaldas ang kanyang minana sa pamamagitan ng makasalanang pamumuhay ay maaaring sinuman sa atin. 

Baka isipin natin na dahil sa ating maraming mga kasalanan ay tayo ay hindi na abot ng pag-ibig, awa at pagpapatawad ng Diyos. Tayo ay abot na abot parin ng Diyos gaano man tayo kalayo humiwalay sa kanya dahil sa ating mga kasalanan. Bakit? Dahil ang pag-ibig, awa at pagpapatawad ng Diyos sa atin ay walang hangganan. Para itong sikat ng araw na para sa ating lahat at walang pinipili maging sino man tayo.

Pero, para tayo ay maabot nitong walang hangang pag-ibig ng Diyos. Dapat tayo ay handa ring pagsisihan ang ating mga nagawang mga kasalanan. At dapat tayo rin ay handang mag pakumbaba sa Diyos. At boung kababaang loob na tanggapin na tayong lahat ay mga makasalanan. Kaya tayo rin ay nangangailagan ng awa, pagpapatawad at pag-ibig ng Diyos. 

Kaya napapanahon na na tayo ay bumalik na sa ating mapagpatawad, mawain at mapagmahal na Diyos. Napapanahon na na tayo ay magsisi at tuluyan nang iwanan ang buhay makasalanan. At ang mga taong wala ng ginawa kundi ang impluwensyahan tayo na magkasala. – Marino J. Dasmarinas

No comments:

Post a Comment