Siya'y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni
Hesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?" At tumigil silang
nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala'y Cleopas, "Kayo po lamang yata ang
dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang
nangyari roon." "Anong mga bagay?" tanong niya. At sumagot sila,
"Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa
gawa at sa salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao.
Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang
mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan
naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula
nang mangyari ito, nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan
namin.
Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila
natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng
isang pangitain -- mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa
libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit
hindi nila nakita si Hesus."
Sinabi sa kanila ni Hesus, "Kay hahangal ninyo! Ano't hindi
ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba't ang Mesias ay
kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na
katayuan?" At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa
Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa
sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay
waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya'y pinakapigil-pigil nila.
"Tumuloy na po kayo rito sa amin," anila, "sapagkat palubog na
ang araw at dumidilim na." Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y
kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos,
saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila.
Nabuksan ang kanilang paningin at nakita nila si Hesus, subalit
ito'y biglang nawala. At nawika nila, "Kaya pala gayon ang pakiramdam
natin habang tayo'y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga
Kasulatan!"
Noon di'y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, "Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!" At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
No comments:
Post a Comment