Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “Isang tao
ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa
akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian.
Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo
sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat
sa di wastong pamumuhay.
Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng
matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa
isang mamamayan ng lupain yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga
ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy
na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya.
Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa
sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa –
samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin
ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat
na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga
alila.”, At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.
“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa
kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak,
‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na
tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali!
Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya.
Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at
patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit
muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.
"Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang
malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang
isa sa mga alila at tinanong: 'Bakit? May ano sa atin?' Dumating po ang inyong
kapatid!' tugon ng alila. 'Ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya,
sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.'
Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya't
lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, 'Pinaglingkuran
ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma'y hindi ko kayo sinuway.
Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para
magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan.
Subalit
nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang
babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!' Sumagot ang ama, 'Anak, lagi
kitang kapiling. Lahat ng ari-arian ko'y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at
magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala,
ngunit nasumpungan.
No comments:
Post a Comment