Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita
at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan
niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa
pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng
sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi
ng kadiliman.
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya
upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo
niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.
Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan
niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan
ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng
tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak
ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon
sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila
ay buhat sa Diyos.
Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita
namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan.
Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong
na Anak.
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. At ganito ang kanyang sigaw,
“Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko’y higit
sa akin, sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak.’”
Dahil sa siya’y puspos ng pag-ibig, tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob. Sapagkat ibinibigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Hesukristo. Kailanma’y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siyang bugtong na Anak – siya’y Diyos – na lubos na minamahal ng Ama.
No comments:
Post a Comment