Mabuting
Balita: Mateo 1:18-25
18 Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay
Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa,
nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. 19 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa.
Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
20 Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip
ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na
tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya
naglihi, 21 at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan
mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa
kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon
sa pamamagitan ng Propeta: 23 “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng
isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y
Nasa-atin-ang-Diyos.” 24 Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang
sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. 25 Ngunit
hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong
Jesus.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment