Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan."
"Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo'y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako'y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin."
"Idinadalangin ko sila, hindi ang
sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo. Ang
lahat ng akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa
pamamagitan nila. At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; aalis na ako sa
sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila."