Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit
at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng
Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan,
alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus,
“Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang
pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang
ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy
na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika,
“Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya.
Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan,
na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa
tubig at nalunod.
Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa
bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga
ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng
mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot.
Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo
at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa
kanilang lupain.
Nang
sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama
siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at
sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at
kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa
Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig
niyon.