Mabuting Balita: Lucas 2:22-40
22 Nang dumating na ang araw ng paglilinis
nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol na si Jesus sa Jerusalem para
iharap sa Panginoon – 23 tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat
ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. 24 Dapat
din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon:
isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.
25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong
nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay
niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu
Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya
mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya
pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga
magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas
tungkol sa kanya.
28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga
braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: 29 “Mapayayaon mo na ang iyong
utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; 30 pagkat
nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas 31 na inihanda mo sa
paningin ng lahat ng bansa, 32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang
pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”
33 Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga
sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi
kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga
Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin.
35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan
naman ng isang punyal ang puso mo.”
36 May isa ring babaeng propeta, si Ana na
anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis
sa bahay ng kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa,
37 at nagbuhay-biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo.
Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno
at pananalangin. Walumpu’t apat na taon na siya. 38 Sa pag-akyat niya
sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa
lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.
39 Nang matupad na ang lahat ng ayon sa
Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea.
40 Lumalaki at lumalakas ang bata; napuspos siya ng karunungan at
sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment