Mabuting
Balita: Marcos 6:14-29
14 Nabalitaan din ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus sapagkat
tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista
mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. 15 Sinabi
naman ng iba: “Si Elias nga ito,” at ng iba pa: “Ito ay isang propeta gaya ng
mga propeta noon.” 16 Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya:
“Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.”
17 Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa
kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.
Pinakasalan ni Herodes si Herodias 18 at sinabi ni Juan kay Herodes:
“Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Talaga ngang
matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi
niya magawa. 20 Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya
itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya
matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito.
21 At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda
siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng
Galilea. 22 Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman
sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita:
“Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” 23 At sinumpaan pa niya ang
pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati
ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina:
“Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” 25 Agad
niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang
ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”
26 Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan
niyang pangako sa harap ng mga bisita. 27 Kaya iniutos ng hari sa isa
niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan,
28 inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at
ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga
alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Ang Mabuting
Balita ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment