Thursday, September 10, 2015

Repleksyon para sa Setyembre 11, Biyernes sa Ika-23 na Linggo sa Karaniwang Panahon; Lucas 6:39-42

Mabuting Balita: Lucas 6:39-42
39 Sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? 40 Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. 41 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
+ + + + + + +
Repleksyon:
Ano po ba ang siguradong paraan para hindi magtagumpay ang pagsasama ng mag asawa? Ito ay ang pagiging mapanghusga at ang mataas na pagtingin ng mag asawa sa kanilang mga sarili. Kung ang asawa ay madaling maghusga at kung siya ay nakikinig lamang sa kanyang sarili. Siguradong sigurado na sa lalong madaling panahon ang kanilang pagsasama mabubuwag.

Maraming buhay  ng mag asawa ang nasisira dahil sa makasariling paningin ng mag asawa. Pinatatakbo nila ang kanilang relasyon ng pagdodomina at ayaw nila na demokrasya sa loob ng kanilang buhay mag asawa.

Ang buhay mag asawa ay buhay na mayroong demokrasya at ito ay pagsasama na mayroong pagtutulungan at paguunawaan. Hindi kailanman ito naging pagsasama na mayroong pagdodomina at pagmamataas. Kaya ang pinaka mabuting recipe para magtagumpay ang buhay mag asawa ay ang iwasan ang maging mapanghusga. At magkaroon tayo ng lakas ng loob na aminin ang ating mga pagkukulang.  

Sa atin pong mabuting balita ngayong biyernes si Jesus ay nagsasabi sa atin na dapat tayo ay hindi madaling maghusga. Kung saan ay madali nating nakikita ang kamalian ng ating kapwa pero ayaw naman nating aminin ang ating sariling kamalian. Madali po nating ituro ang ating daliri sa pagkakamali ng ating kapwa. Ngunit wala naman tayong lakas ng loob at pagpapakumbaba na ituro ang ating mapanghusgang daliri sa ating mga sarili. – Marino J. Dasmarinas  

No comments: